(November 2, 2009, -Lunes - Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host -Lenyrose Bajar Sunio)
Host/Lenyrose: “Nakapunta ka na ba sa isang Kanduli ng ating
mga kapatid na Iranun, T’duray, Maguindanawon at Meranaw? Kong negative o positive ka, samahan natin si Kaka Ali dahil .. magkakanduli?. (LAUGHING).. hindi .. ipapaliwang sa atin ang Kanduli sa ating segment na nakaka ”
(PLAY INTRO)
Kaka Alih: Kanduli (Maguindanawon at T’duray) o Kanduri (Iranun at Meranaw) ay pasasalamat (thanksgiving) sa Poong Lumikha (Diyos).
Ang Kanduli ay bahagi ng kultura ng mga Bangsamoro (Iranun, T’duray, Maguindanawon at Meranaw).
Madalas na kasabay ng kanduli ay pagana o kapagana (feast), halos pareho ang dalawang adat-betad (custom and tradition) ng mga Bangsamoro. Parehong pagpapakain sa mga panauhin ang tanging kaibhan lamang ay Niyat (layunin).
Ang kanduli ay maaring ginagawa dahil may hinihiling sa Poong Lumikha o nagpapasalamat sa mga biyayang nakamtan.
Ang Pagana (feast) naman ay pagpapakain sa mga inaanyayahang mga panauhin bilang bahagi ng pagsasaya dahil sa mga nakamtan na tagumpay. Ang madalas ang pagana ay kanduli na ring matatawag. Kung minsan kapag may pagana ay nagkakanduli na rin.
Ang mga pagkain ay inilalagay sa talam o bandihaw (big food tray, talam made of brass and bandihaw made of tin). Nasa gitna ang kanin na nakalagay sa plato, at napapalibutan ng pitong platito kong saan nakalagay ang pitong klaseng ulam. Tinatakpan ang talam ng tudong (food cover) na gawa sa dahon ng anahaw, niyog o nipa.
Ang madalas (ang paborito) na nakalagay na manga ulam ay manok, sinina (lutong karneng kambing o baka) pansit, bihon, itlog, monggo, at iba pang masasarap na lutong Bangsamoro.
Sa ganitong mga okasyon, asahan mong may ihahain na minatamis na lutong Bangsamoro tulad ng dudol, tinadtag, amik, kumukunsi, tipas, balubed at iba pa.
“Na, mahirap maging Muslim”. Bakit? ang tanong ko agad sa isang nagkukuwentong kaibigan na Kristiyano , na wala pang gaanong kaalaman sa kultura, kaugalian at pananampalataya ng mga kapatid na Bangsamoro. Pakinggan natin ang karugtong ng kuwento ng ating Kapatid na Kristiyano.
“Inimbita kami sa isang Kanduli, naku ang sarap ng mga luto at ang gaganda ng mga pandala (decoration) ng kanilang bahay, pati ang lalagyan ng pagkain ay may decocation, na nakapatog sa sahig na nilagyan ng ikam (floor mat) na may magaganda din desinyo. Habang kami ay kumakain ay may nag-iikot at bawat isa sa bisita ay binigyan ng pera at tawag dito ay sadka (charity) at ng umuwi na kami may nakabalot pa na minatamis na pagkain. Kaya nasabi ko sa aking sarili, di ko kayang mag-Muslim, pinakain na kami, binayaran pa kami pa at binigyan pa kami ng baun.” (LAUGHING)
Ang pag-aakala ng iba ay ang kanduli ay isang rituwal na bahagi ng katuruan ng Islam. Kung papaano ginagawa ng mga Bangsamoro ang kanduli noon at ngayon ito ay nabibilang sa kanilang kultura at kaugalian, hindi sa Islam. Kung sakali mang may bahagi ng pananampalataya ng Islam ay maliit na bahagi lamang.
Dapat nating malaman Kapatid, na hindi lahat ng kultura at kaugalian o ginagawa ng mga Bangsamoro Muslim ay katuruan ng Islam. Tama na ang sinasabi nila na ang kultura at kaugalian ng mga Bangsamoro ay hinalaw o hinango sa katuruan ng Islam, ngunit hindi nangangahulugan na ito ay bahagi ng Islam.
Ang Banal na Aklat, ang Quran ang unang batayan ng katuruan ng Islam ay nagsabi na ang pagdagdag at paglalabis sa Gawain o katuruan ng Islam ay tinaatawag na Bid’ah (innovation). at ang lahat ng bid’ah ay pagkaligaw.
“O sangkatauhan, matakot kayo kay Allah at sabihin (tuwina) ang katotohanan. Papatnu- bayan Niya kayo sa mga mabubuting gawa at patawarin Niya kayo sa inyong mga kasalanan . At ang sinumang sumunod kay Allah at sa kanyang Sugo, tunay na kanya nang natamo ang dakilang tagumpay. (Qur’an 33:70-71)
Alamin, na ang pinakamakatotohanang salita ay ang Aklat ng Allah (Ang Banal na Qur’an) at ang pinaka mabuting patnubay ay ang patnubay ni Muhammad (sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan). Ang pinakamasama sa lahat ay ang mga gawa-gawa (na lihis sa tunay na aral ng Islam) at ang bawat gawa-gawa (na mga bagay tungkol sa relihiyon) ay bid’ah at ang bawat bid’ah ay pagkakaligaw at ang bawat pagka kaligaw ay Impyerno ang hantungan.
Kahit anupaman, ang bawat tao na gumagawa (umiimbento) ng pagbabago (sa religion) at kanyang iniisip na siya ay napapalapit kay Allah sa pamamagitan nito – maging ito man ay sa paniniwala, sa gawa at sa salita –
katunayan siya ay naligaw. Ito ay ayon sa kasabihan ng Propeta Muhammad SAW.
“Mag ingat sa mga bagong bagay (sa relihiyon), sapagkat ang lahat ng pagbabago (o pagiimbento) sa relihiyon ay bid’ah, at ang lahat ng bid’ah ay pagkaligaw, ang lahat ng pagkaligaw ay mauuwi sa Apoy. [Hadith-Abu Daawood, Tirmidhee; Saheeh).
Ang pagpapakain, pamimigay ng regalo at pagmamagandang loob sa kapuwa ay isang gawain na iniuutos ng Allah o katuruan ng Islam. At ang Kanduli ay napapaloob dito ang tatlong nabanggit ngunit hindi nangangahulugan na ito ay isa sa kautusan ng Allah. Ang Kanduli ay bahagi ng kulura at kaugalian, sa ibang Muslim sa ibang parte ng mundo ay hindi nagkakanduli.
Bagamat hindi bahagi ng Islam ang kanduli ito ay patuloy na ginagawa ng Bangsamoro Muslim dahil isa itong maituturing na kultura at kaugalian na hindi sumasalungat sa Islam, ngunit alalahanin palagi na ito ay hindi ipinag-uutos ng Allah sa mga Muslim, ito ay bahagi ng kultura at kaugalian ng mga Bangsamoro.
Ito ang inyong kapatid na Iranun na Bangsamoro, at inyong segment writer sa nakaka.. Kaka Ali, Wassallamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh.