"Time is Life"

Home » Archives » November 2009

Pagpupulong -Meeting

November 3, 2009

 (November 3, 2009,   -Martes - Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host -Lenyrose Bajar Sunio)

Host/Lenyrose: “Na-experience mo na bang ikaw ang presiding officer o tagapangasiwa ng isang pulong o meeting? Kumusta naman? Ikaw kaibigan na nakikinig,  kontento ka ba sa pagsasagawa ng inyong presidente sa inyong mga meeting? Matagumpay o palpak man ang inyong meeting pwede mong dagdagan ang inyong nalalaman, just listen to us..dahil  ipapaliwang sa atin ni Kaka Ali mga ilang gabay sa epektibong pagpupulong ”.

(PLAY INTRO)

Kaka Alih:  “Yes my friend tulad ng naunang katanungan ni Lenyrose na  “Na-experience mo na bang ikaw ang presiding officer o tagapangasiwa ng isang pulong o meeting? Kumusta naman? Ikaw kaibigan na nakikinig,  kontento ka ba sa pagsasagawa ng inyong presidente sa inyong mga meeting? Matagumpay o palpak man ang inyong meeting pwede mong dagdagan ang inyong nalalaman, just listen to us..dahil heto may sinaliksik akong pag-uusapan natin, mga gabay sa epektibong pagpupulong.

Alam ko bibihira sa atin ang hindi nakadalo sa meeting.. pero napansin ninyo tila palaging hindi tayo kuntento sa mga meeting.. minsan matagal at maliit na bagay lamang naman ang pinag-usapan.. bakit? Kasi magulo Kaka..

(LAUGHING)

PAG-OORGANISA NG PUL0NG (ORGANIZING THE MEETING)

Ang pag-oorganisa ng pulong ay mahalaga upang ito ay maging epektibo at mabisa. Ang apat (4) na elemento ng isang organisadong pulong .

1. PAGPAPLANO (PLANNING)

Mga  tanong na dapat masagot kapag nagpaplano ng isang pulong:

    * Ano ba ang dapat makuha o maaabot ng grupo pagkatapos ng pulong?

    * Ano ang magiging epekto sa grupo kapag hindi nagpulong?

Kung kinakailangang magpulong, linawin ang layunin ng pulong: ito ba ay pagbibigay lamang ng impormasyon? May mga kailangan bang pagpasyahan? Mahalaga ito upang malinaw kung sino ang dapat na iimbitahan sa pulong.

1. MAGKAROON NG MALINAW NA LAYUNIN, KONG BAKIT DAPAT MAY PAGPUPULONG:

    * Pagpaplano para sa organisasyon  (Planning)

    * Pagbibigay impormasyon (may mga dapat ipaalam sa mga kasapi)

    * Konsultasyon (may dapat isangguni na hindi kayang sagutin ng ilang membro lamang)

    * Paglutas ng problema (may suliranin na dapat magkaisa ang lahat)

    * Pagtatasa (evaluation, sa mga nakaraang gawain o proyekto)

2. PAGHAHANDA (ARRANGING)

Sa imbitasyon (by letter, text o verbal), kailangang sabihan ang mga taong dapat dumalo sa pulong: kung kalian (petsa at oras), saan (lugar ng pulong), at ano ang agenda (mga bagay na pag-uusapan) na tatalakayin. Ang paghahanda ay nakadepende rin sa mga particular na tungkulin ng mga tao sa pulong.

    * Chairman/President  (presiding officer)– kailangang alam nya ang agenda, kung paano patatakbuhin ang pulong, at alam kung paano hahawakan ang mga mahihirap at kontrobersyal na mga isyu.

    * Secretary (Kalihim)– kailangan niyang ihanda ang katitikan (minutes of the meeting) o talaan noong nakaraang pulong at iba pang mga ulat at kasulatan ng organisasyon.

    * Mga kasapi sa pulong (members)– kailangang pag-aralan nila ang agenda o mga bagay na pag-uusapan para aktibo ang kanilang pakikilahok.

SA IMBITASYON DAPAT IPAALAM AT ISULAT ANG MGA PAG-UUSAPAN/TATALAKAYIN

(Agenda of the Meeting)

·   Pagbubukas ng pulong (date, day, time, and place of meeting)

·    Pagbasa at pagsang-ayon sa katitikan ng nakaraang pulong(reading the minutes of the previous meeting)

·   Pagtatalakay ng ibang paksa na may kinalaman na nakaraang pulong.(pending matters)

·   Pinakamahalagang pag-uusapan (business  of the day)

·   Ibang paksa (other matters)

·   Pagtatapos ng pulong (adjournment)

MAGHANDA SA PULONG

·   Ihanda ang lugal, (mesa. Upuan, pagkain kong kinakailangan, palikuran, kasiguruhan o security at iba pa)

·  ang mga gagamitin (pisara o blackboard, chalk or pentel pen at iba pa)

· pag-aralan (research) ang mga topic na tatalakayin, kong kinakailangan magtalataga (assign) ng taong mas higit na nakakaalam sa usapin.

3. PAGPOPROSESO (PROCESSING)

Ang pulong ay dapat mayroong mga “rules, procedures o standing orders” kung paano ito patatakbuhin. Sa pangkalahatan, pareho naman ang mga prinsipyo ng mga patakarang (rules) ginagamit ng union, nagkakaiba lang sa mga detalye.

Ang ilang mahahalagang patakaran (rules) ng pulong at ang tungkol sa mga dumalo (attendance) at pagsasagawa ng desisyon.

    * Quorum – ito ang bilang ng mga kasapi ng kasama sa pulong na dapat dumalo para maging opisyal ang pulong. Madalas ito ay 50% + 1 ng bilang ng mga inaasahang dadalo sa pulong.

    * Consensus – isang proseso ng pagdedesisyon ng kung saan kinukuha ang nagkakaisang desisyon ng lahat ng mga kasapi sa pulong.

    * Simpleng mayorya – isang proseso ng pagdedesisyon ng kung saan kinakailangan ang 50% + 1 (simple majority) ng pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon ng mga nakadalo sa isang opisyal na pulong.

    * 2/3 majority – isang proseso ng pagdedesisyon na kung saan kinakailangan ang 2/3 o 66% ng pagsang-ayon o hindi pagsang-ayon ng mga dumalo sa isang opisyal na pulong.

MAGSIMULA AT MAGTAPOS SA TAKDANG ORAS

    * Simulan ang pagpupulong sa itinakdang panahon o oras.

    * Sikaping matapos ang pagpupulong sa itinakdang oras, alalahanin, ang ibang kasapi ay may iba pang nakatatakdang gagawin.

4. PAGTATALA (RECORDING)

          Ang tala ng pulong ay tinatawag na katitikan (minutes) ito ay mahalaga dahil ito ang opisyal na record ng mga desisyon at pinag-uusapan sa pulong. Maaari itong balikan ng organisasyon kung may kinakailangang linawin sa mga nakaraang pag-uusap. Dapat hindi lang ang Kalihim ang magtatala, ang mga kasapi dapat nagtatala rin sila ng hindi nila makalimutan ang pinag-usapan.

MAY MGA MAHAHALAGANG PAPEL SA PULONG

   1. Pinuno (Chairperson) – tinatawag ding “facilitator” tagpatnubay, o “meeting leader”. Sinisiguro niya na maayos ang takbo ng pag-uusap at pagdedesisyon. Ang chairperson ay parang pulis-trapiko na siyang nagpapaandar o nagpapahinto ng usapan sa pulong:

·         MGA PATRIKULAR NA GAWAIIN NG CHAIRPERSON

1)     Nangunguna at nag-aambag sa usapan.

2)     Kumukuha ng impormasyon at paglilinaw tungkol sa mga bagay na pinag-uusapan.

3)     Nagbibigay ng karagdagang impormasyon, naglilinaw at nagpapatawa sa mga usapan.

4)     Nag-aayos ng sistema ng pulong.

5)     Namamagitan sa mga alitan o hindi pagkakaunawaan ng mga kasama sa pulong.

   2. Secretary – tinatawag ding recorder, minutes-taker, o tagatala. Responsibilidad niya ang sistematikong pagtatala ng mga nagpag-uusapan at desisyon sa pulong. Tungkulin niya na ipaalala kung ano ang dapat pag-uusapan upang hindi mawala sa direksyon ang grupo at upang maging tuloy-tuloy ang pag-uusap.

   3. Mga kasapi sa Pulong (Members of the Meeting) – sila ang mga aktibong miyembro o kalahok sa pulong. Responsibilidad nila na ipaalala sa Chairperson at Secretary ang kanilang mga gawain. Maaari ding silang magbigay ng mga mungkahi o panukala sa pamamaraan ng pulong. Sila ang nagbabahagi, nagpapaliwanag, nagtatanong, makatuwirang pumumuna at gumagawa ng desisyon.

MGA DAPAT IWASAN SA PULONG

1.     Malabong layunin sa pulong – dapat  malinaw ang layunin sa pulong, ang may iba’t ibang paksa ang pinag-uusapan at walang direksyon ang pulong ay nakawawalang gana sa mga kasapi.

2.     Bara-bara na pulong – walang sistema ang pulong. Ang lahat ay gustong magsalita kaya nagkakagulo, kaya dapat ang “house rules”.

3.     Pagtalakay sa napakaraming bagay – hindi na nagiging epektibo ang pulong dahil sa dami ng agenda at pinag-uusapan. Pagod na ang isip ng nagpupulong.

4.     Pag-atake sa indibidwal – may mga kasama sa pulong na mahilig umatake o pumuna sa pagkatao ng isang indibidwal. Nagiging personal ang talakayan, kaya’t daihil dito nagkakasamaan ng loob ang mga tao sa pulong.

5.     Pag-iwas sa problema – posible sa isang pulong ay hindi ilabas ng mga kasama ang problema ng organisayon. Sa halip, ang binabangit nila ay iba’t iba at walang kabuluhang bagay para maiwasan ang tunay na problema.

6.     Kawalan ng pagtitiwala sa isa’t isa – walang ibubunga ang mga pulong na walang pagtitiwala at pagbubukas sa isa’t isa, dito kinakailangan ang “Iklas” manalig ka sa Allah, palaging alalahanin ang kasabihan: “may Makita kang isda sa dagat na wala sa ilog, at may Makita ka na isda na wala naman sa dagat”.

7.     Masamang kapaligiran ng pulong – masyadong maingay o magulo ang lugar ng pinagpupulungan kaya hindi magkarinigan. Minsan naman ay napakainit ng lugar o maraming istorbo gaya ng mga usyoso na nanonood, nakikinig o nakikisali, magkakalayo ang mga kinanalagyan ng mga kasamahan, dapat ang pinuno ay nakikita at naririnig ang lahat.

8.     Hindi tamang oras ng pagpupulong – ang miting ay hindi dapat natatapat sa alanganing oras – tulad halimbawa ng tanghaling tapat, sobrang gabi o sa oras ng trabaho ng mga manggagawa.

Iwasan o dapat hindi makadalo ang MGA KASAMANG NAKAKAGULO SA PULONG, sino sila? Kilalanin….

   1. Mr Huli- papaano hindi tawaging Huli eh Parating Huli – nahihinto ang takbo ng pag-uusap dahil kailangang ipaliwanag at ulitin sa nahuling dumating kung anong nangyari o napag-usapan. (LAUGHING)

   2. Mr Umali- si Maagang Umaalis – umaalis kaagad kahit hindi pa tapos ang pulong. Kadalasan ay hindi siya nakakasama sa pagdedesisyon sa huling bahagi ng pulong at siya pa minsan ang reklamador. (LAUGHING)

   3. Mr Sira-Sirang Plaka – paulit-ulit ang sinasabi dahil maaaring hindi nakikinig o talagang may kakulitan lang o gumawa ng sariling “papel” o gustong palaging “bida”. Dahil dito, nauubos ang oras ng pulong.  

   4. Mrs Duda- Parating Nagdududa – anumang tinatalakay  sa pulong ay pinagdududahan o pinagsususpetsahan. Ang tingin niya ay laging masama o negatibong balak ang grupo o ang ilang mga kasama. Walang tiwala sa kakayahan ng kasamahan.  

   5. Mr Iling-Laging Umiiling-iling – parang laging hindi tanggap ang sinasabi ng mga kasama sa grupo, na sa tuwing sasabihin ang kasamahan ay pailing-iling na walang namang sinasabi.

   6. Miss Gana-Walang Gana – bagamat pisikal na nasa pulong, ang kanyang isip ay nasa ibang lugar at may ibang ginagawa nagbabasa, nagdro-drowing, hikab ng hikab, natutulog, at iba pa, habang nagpupulong.

   7. Mr Whisper-Bulungero – nakakainis at nakakailang dahil kahit nagsasalita ang mga kasama sa grupo, bulong siya ng bulong (pangiti-ngiti pa kung minsan) sa kanyang katabi. Para bang may intrigang sinasabi sa katabi niya.

   8. Mr Apeng Daldal-Daldalero – halos sa buong pulong, siya at siya na lamang ang nagsasalita. Kadalasan din siya ang may pinakamalakas na boses, at madalas ay “out of topic.”

   9. Miss Tsismosa – nagdadala na kung anu-anong balita, tsismis at intriga na walang katuturan sa pulong. Dahil dito, nauubos ang oras ng pulong sa kanyang mga kuwento.

  10. Mr Henyo-Masyadong Marunong – ayaw magpatalo kahit kanino. Ayaw din niyang makinig sa mungkahi ng iba dahil akala niya siya ang palaging tama.

  11. Mr Pal-Paalis alis – habang nagpupulong, paalis-alis (pupunta ng comfort room, tatawag sa telepono o cellpon, makikipagkwentuhan sa iba, at kong ano-ano pa ang pinag-aabalahan) pero pagbalik ang daming tanong.

  12. Mr Tang-Tagasunod  - taga-tango at nakikisanay sa lahat ng nangyayari sa pulong at walang sariling opinion, kundi sama-sama lang sa mas maraming kasama.

Lenyrose: “Mr Chairman I moved for the adjournment of the Meeting..”

Kaka Alih: “I second the motion”   (LAUGHING) Now ladies and gentlemen, there is a move for adjournment and duly seconded.. Meeting adjourn.. Kaka Alih presiding until next meeting.

Posted by kakaalih at 6:42 pm | permalink | Add comment

Kanduli ng mga Bangsamoro

November 2, 2009

 

(November 2, 2009,   -Lunes - Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host -Lenyrose Bajar Sunio)

Host/Lenyrose: “Nakapunta ka na ba sa isang Kanduli ng ating mga kapatid na Iranun, T’duray, Maguindanawon at Meranaw? Kong negative o positive ka, samahan natin si Kaka Ali dahil .. magkakanduli?. (LAUGHING).. hindi .. ipapaliwang sa atin ang Kanduli sa ating segment na nakaka ”

(PLAY INTRO)

Kaka Alih:  Kanduli (Maguindanawon at T’duray) o Kanduri (Iranun at Meranaw)   ay pasasalamat (thanksgiving) sa Poong Lumikha (Diyos).

Ang Kanduli ay bahagi ng kultura ng mga Bangsamoro (Iranun, T’duray, Maguindanawon at Meranaw).

Madalas na kasabay ng kanduli ay pagana o kapagana (feast), halos pareho ang dalawang adat-betad (custom and tradition) ng mga Bangsamoro. Parehong   pagpapakain sa mga panauhin ang tanging kaibhan lamang ay Niyat (layunin).

Ang kanduli ay maaring ginagawa dahil may hinihiling sa Poong Lumikha o nagpapasalamat sa mga biyayang nakamtan.

Ang Pagana (feast) naman ay pagpapakain sa mga inaanyayahang mga panauhin bilang bahagi ng pagsasaya dahil sa mga nakamtan na tagumpay. Ang madalas ang pagana ay kanduli na ring matatawag.  Kung minsan kapag may pagana ay nagkakanduli na rin.  

Ang mga pagkain ay inilalagay sa talam o bandihaw (big food tray, talam made of brass and bandihaw made of tin). Nasa gitna ang kanin na nakalagay sa plato, at napapalibutan  ng pitong platito kong saan nakalagay ang pitong klaseng ulam. Tinatakpan ang talam ng tudong (food cover) na gawa sa dahon ng anahaw, niyog o nipa.

Ang madalas (ang paborito) na nakalagay na manga ulam ay manok, sinina (lutong karneng kambing o baka) pansit, bihon, itlog, monggo,  at iba pang masasarap na lutong Bangsamoro.

Sa ganitong mga okasyon, asahan mong may ihahain na minatamis na lutong Bangsamoro tulad ng dudol, tinadtag, amik, kumukunsi, tipas, balubed at iba pa.

“Na, mahirap maging Muslim”. Bakit? ang tanong ko agad sa isang nagkukuwentong kaibigan na Kristiyano , na wala pang gaanong kaalaman sa kultura, kaugalian at pananampalataya ng mga kapatid na Bangsamoro. Pakinggan natin ang karugtong ng kuwento ng ating Kapatid na Kristiyano.

“Inimbita kami sa isang Kanduli, naku ang sarap ng mga luto at ang gaganda ng mga pandala (decoration)  ng kanilang bahay, pati ang lalagyan ng pagkain ay may decocation, na nakapatog sa sahig na nilagyan ng ikam (floor mat) na may magaganda din desinyo. Habang kami ay kumakain ay may nag-iikot at bawat isa sa bisita ay binigyan ng pera at tawag dito ay sadka (charity) at ng umuwi na kami may nakabalot pa na minatamis na pagkain. Kaya nasabi ko sa aking sarili, di ko kayang mag-Muslim, pinakain  na kami, binayaran pa kami  pa at binigyan pa kami ng  baun.”  (LAUGHING)

Ang pag-aakala ng iba ay ang kanduli ay isang rituwal na bahagi ng katuruan ng Islam. Kung papaano ginagawa ng mga Bangsamoro ang kanduli noon at ngayon ito ay nabibilang sa kanilang  kultura at kaugalian, hindi sa Islam. Kung sakali mang may bahagi ng pananampalataya ng Islam ay maliit na bahagi lamang.

Dapat nating malaman Kapatid, na hindi lahat ng kultura at kaugalian o ginagawa ng mga Bangsamoro Muslim ay katuruan ng Islam. Tama na ang sinasabi nila na ang kultura at kaugalian ng mga Bangsamoro ay hinalaw o hinango sa katuruan ng Islam, ngunit hindi nangangahulugan na ito ay bahagi ng Islam.

Ang Banal na Aklat, ang Quran ang unang batayan ng katuruan ng Islam ay nagsabi na ang pagdagdag  at paglalabis sa Gawain o katuruan ng Islam ay tinaatawag na Bid’ah (innovation). at ang lahat ng bid’ah ay pagkaligaw.

“O sangkatauhan, matakot kayo kay Allah at sabihin (tuwina) ang katotohanan. Papatnu- bayan Niya kayo sa mga mabubuting gawa at patawarin Niya kayo sa inyong mga kasalanan . At ang sinumang sumunod kay Allah at sa kanyang Sugo, tunay na kanya nang natamo ang dakilang tagumpay. (Qur’an 33:70-71)

Alamin, na ang pinakamakatotohanang salita ay ang Aklat ng Allah (Ang Banal na Qur’an) at ang pinaka mabuting patnubay ay ang patnubay ni Muhammad (sumakanya nawa ang pagpapala at kapayapaan). Ang pinakamasama sa lahat ay ang mga gawa-gawa (na lihis sa tunay na aral ng Islam) at ang bawat gawa-gawa (na mga bagay tungkol sa relihiyon) ay bid’ah at ang bawat bid’ah ay pagkakaligaw at ang bawat pagka kaligaw ay Impyerno ang hantungan.

Kahit anupaman, ang bawat tao na gumagawa (umiimbento) ng pagbabago (sa religion) at kanyang iniisip na siya ay napapalapit kay Allah sa pamamagitan nito – maging ito man ay sa paniniwala, sa gawa at sa salita – katunayan siya ay naligaw. Ito ay ayon sa kasabihan ng Propeta Muhammad SAW.

“Mag ingat sa mga bagong bagay (sa relihiyon), sapagkat ang lahat ng pagbabago (o pagiimbento) sa relihiyon ay bid’ah, at ang lahat ng bid’ah ay pagkaligaw, ang lahat ng pagkaligaw ay mauuwi sa Apoy. [Hadith-Abu Daawood, Tirmidhee; Saheeh).

Ang pagpapakain, pamimigay ng regalo at pagmamagandang loob sa kapuwa ay isang gawain na iniuutos ng Allah o katuruan ng Islam. At ang Kanduli ay napapaloob dito ang tatlong nabanggit ngunit hindi nangangahulugan na ito ay isa sa kautusan ng Allah. Ang Kanduli ay bahagi ng kulura at kaugalian, sa ibang Muslim sa ibang parte ng mundo ay hindi nagkakanduli.

Bagamat hindi bahagi ng Islam ang kanduli ito ay patuloy na ginagawa ng Bangsamoro Muslim dahil isa itong maituturing na kultura at kaugalian na hindi sumasalungat sa Islam, ngunit alalahanin palagi na ito ay hindi ipinag-uutos ng Allah sa mga Muslim, ito ay bahagi ng kultura at kaugalian ng mga Bangsamoro.

Ito ang inyong kapatid na Iranun na Bangsamoro, at inyong segment writer sa nakaka.. Kaka Ali, Wassallamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh.

Posted by kakaalih at 6:44 am | permalink | Add comment

Kahulugan ng Bangsamoro, Pilipino, Muslim at Islam

November 1, 2009

(October 23,  2009-Biyernes - Script na sinulat ni Alih Anso para sa programang “Buhay –buhay sa DXUP” (7:00-8:00 A.M) sa segment na “Nakaka”. Host -Lenyrose Bajar Sunio)

 

Host/Lenyrose: “Ikaw Kaibigan, alam mo ba ang kahulugan ng Bangsamoro, Pilipino, Muslim, At Islam? Alam mo ba kailan, saan dapat gamitin? Alam mo o hindi? Samahan ninyo kami ni Kaka Alih sa ating segment na  Nakaka…..”

 

(PLAY INTRO)

 

Kaka Alih:   “Kilala ko na sila pare”.  sagot kaagad ng isa ng nating kumpare.

 

Sino sila? 

 

“Sila ang mga taga Mindanao, sila ay mga Muslim, hindi kumakain ng baboy”. Paliwanag ni pare.

 

Iyan ba ang tunay na kahulugan ng Bangsamoro?  Ng Muslim? Buweno  ating tatalakayin ang Kahulugan ng Bangsamoro, Pilipino, Muslim at Islam, ang mga kumplikadong mga terms sa ngayon, dahil hindi pa gaanong naiintindihan.

 

Sino ang Pilipino at Bangsamoro?

 

Tunghayan natin ang pagpapaliwanag ng isang manunulat kong sino ang Bangsamoro at Pilipino na sinulat ni Kaka Ali na may titulo na Pilipino at Bangsamoro, Magkapatid? http://dxup.multiply.com/

 

“Ang tinatawag na Pilipino ay yaong mamayan na mga taga Pilipinas, na dinatnan dito ng Kastila, na sumunod sa mga kaugalian, relihiyon o iyong mga napilitang magpasakop sa kapangyarihan ng Kastila, dahil wala ng magawa kundi magpasakop dahil talo sila sa lakas at armas sa pakikipaglaban. Ang ilan sa Pilipino ay ang mga Taga-ilog o Tagalog na taga Bulakan at Maynila, mga Ilokano, Ilonggo, Cebuano at iba pang tribo.

Ang tinatawag naman na Moro ng mga Kastila ay yaong mga mamayan na dinatnan nila na lumalaban sa kanila, at katulad na katulad ng mga ugali, abilidad sa pakikidigma at relihiyon ng mga naging kalaban din nila sa kanilang bansang Espanya, na o mga taga Morocco.

 

Bagamat Moro sa una ang tawag, nitong mga huling panahon ay nadugtongan ng Bangsa na ang kahulugan sa sariling wika natin ng Bangsa ay angkan, kaya naging Bangsamoro na ngayon ang tawag. Nabibilang sa mga tinatawag ngayon na Bangsamoro ay ang tribong M’ranaw, Yakan, Maguindanaon, Iranon, T’duray, Suban’n, Tau Sug at marami pang iba, ang ibang manunulat, tulad ni Prof. Rudy Rodil ay hinati sa sa dalawang kategorya ang Moro, ang Islamized at hindi, o ang ibig sabihin ng Islamized ay tinanggap ang Islam bilang religion at pangalawang kategorya ay nanatili sa kanilang nakaugaliang pananampalataya.”

 

May mahigit sampung mga tribu na kinikila   bilang mga Bangsamoro, ang alam natin dito sa Upi na Bangsamoro ay ang Maguindanaon, Meranao, Iranun,   Tau Sug at marami pang iba.

 

Sino naman ang mga  Muslim?

 

Alam mo kapatid na nakikinig, marami sa atin ang nag-aakala na ang Muslim ay isang taong isinilang mula sa mga magulang na Muslim, o di kaya, siya yaong isinilang sa Mindanao o sa bansa, tulad ng Saudi Arabia na ang nakakarami ay Muslim.

 

Ayon sa ating mga Aleem o Marurunong, ang lahi, kulay, tribo, angkan, o pangalan ay hindi mga batayan upang ang isang tao ay matawag na Muslim.  

 

“Ang Muslim ay ang nilikha ng Allah na Sumusunod, Sumusuko at Tumatalima sa Kanyang mga kautusan. Sa katunayan, hindi lamang tao ang matatawag na Muslim. Maging ang lahat na nilikha ng Allah bukod pa sa tao (katulad ng mga bituin sa kalangitan, ang araw at ang hangin) ay maituturing na Muslim, sapagkat silang lahat ay mga nilikha na sumusunod sa likas na batas na inilagay ng Allah sa kalikasan.

Isang kamalian at hindi kailanman matatanggap ng mga Muslim na tawagin silang mga “ Muhammedan ”, sapagkat ito ay nagbibigay kahulugan ng pagsamba kay Propeta Muhammad (sumakanya nawa ang kapayapaan). Ang Islam ay hindi kailanman nagtuturo ng pagsamba sa Propeta o anumang nilikha lamang ng Allah. Bagkus, ito ay naghihikayat sa tao na sumamba lamang sa tangi at nag-iisang Allah, at nagbabawal sa anumang uri ng pagsamba na iniuukol sa nilikha.” (http://moro.jeeran.com/)

 

Ano naman ang kahulugan ng Islam?

 

Ang kahulugan ng Islam ay pagsuko at pagsunod sa mga kautusan ng Allah nang walang pagtutol.

 

Sa  http://correctme.multiply.com, niliwanag ni Kaka Ali ang terminong Islam at Muslim:

 

“Ang terminong Muslim ay tumutukoy sa tao na naniniwala sa Allah(Poong Maykapal). Na sa simpleng pag-sasalin (translation) ang ibig sabinin nito ay “Naniniwala” (Believer) at sa relihiyong pag-uusap (religious connotation) ang ibig sabihin ay ang taong….. “sumuko sa Dakilang Lumikha” at ang kanyang rehiliyon ay Islam, na ang ibig sabihin naman sa payak (simple translation) na paghuhubad ay Kapayapaan (Sallam). At sa relihiyong pag-tanaw ay… “isinuko ang sarili sa Poong Lumikha” (one who submit to the Will of God)

 

Kapatid sana ay nagkaliwanagan na tayo sa terminong Bangsamoro, Pilipino, Muslim, Islam, sa muli kami ay nag-anyaya sa darating na Lunes, samahan ninyo kami sa ating segment na Nakaka.. sa programang buhay-buhay sa DXUP.. ang segment writer/reporter Kaka Alih. Wasallamu Alaikum Warahmatullahi Wabarakatuh.

 

Ito ang inyong kapatid   Kaka Ali ang inyong segment writer at producer,   Sukran, Wassallamu alaikum warahmatullahi wabartakatuh.

Posted by kakaalih at 6:53 pm | permalink | comments[3]